Aminin na natin, exciting pero nakaka-pressure ang unang job application. Pagkatapos kasi ng ilang taon sa pag-aaral, dito magsisimula ang "adulting" mode. Pero sa kabila ng excitement, maraming first time job seeker ang nahihirapan makapasok agad sa trabaho— at kadalasan, hindi dahil sa kakulangan sa skills ,kundi dahil sa mga pagkakamaling madaling maiwasan kung may sapat na preparation.
Para gabayan ka sa tamang paraan ng pag-aapply ng trabaho, heto ang ilan sa mga pagkakamali na dapat mong maiwasan bago ang lahat.
Ang unang application mo ay ang iyong first impression sa trabaho. Lahat ng aspeto—resume, cover letter, interview, at kahit online presence—ay tinitingnan ng employer. Kaya mahalaga na pag-isipan at malaman mo ang mga real-life tips bilang first timer.
Sa totoo lang, hindi mo kailangang magkamali sa simula para matuto. Pwede ka nang matuto ngayon pa lang. Paano? Tandaan ang mga sumusunod!
Isa ito sa pinaka-basic pero madalas nakakaligtaan ng ilan ang kahalagahan ng resume sa paghahanap ng trabaho. Maraming resumes ang:
Walang contact details o outdated ang email/number
Hindi klaro ang objectives at kadalasan ay walang context
Copy-paste lang mula sa online template, walang personalization
Magulo ang format, mahirap basahin, o maraming grammar mistakes
Para maiwasan ang mga ito, gumamit ng malinaw at simple na layout. I-highlight mo ang achievements sa school, internships, o extracurriculars. Kahit wala ka pang work experience, pwede mong ibida ang iyong skills sa ibang paraan. At sa pagkakaroon ng magandang resume, maipapakita mo ang iyong interes at determinasyon na makuha ang trabaho.
Madami sa mga jobseekers ang nagsi-skip sa cover letter, pero di nila alam na ito ang paraan nila para makausap ang recruiter. Kaya kung gagamit ka ng generic na “To whom it may concern,” tapos puro template lang ang laman, hindi ito makakatulong sa iyo.
Mas maiging gamitin ang cover letter para ipakita ang interest at skills mo sa uri ng mga trabaho at positions na gusto mo para alam ng employer na ikaw ang hinahanap nila. Mas mabuting i-personalize mo ito ayon sa inaapplyan mong trabaho at kompanya.
Ang isa sa mga job hunting challenges ng mga fresh grads o first timers ay tanggap lang nang tanggap ng job offer kahit hindi alam kung legit, stable, o aligned sa values niya ang kompanya. Kapag ganito ang gagawin mo, may malaking posibilidad na mabiktima ka ng scam job offers o mabigla ka sa toxic na work culture at environment.
Kaya maaga palang, gumamit ng SEC o DTI search sa mga kompanya para makita kung lehitimo ba sila. Pwede ka ring magbasa nang Jobstreet o Google reviews para magabayan ka. At pwede mo ring hanapin kung registered ang kompanya sa DOLE at iba pang ahensiya.
Kabado ka ba sa iyong interview? Natural lang yan. Pero mas nakakakaba kung wala kang preparation na gagawin. Marami sa mga first time job seeker ang hindi nag-reresearch sa kompanya na kanilang pinag-aapplyan. Ilan rin ay walang idea sa job description at hindi alam paano sagutin ang “Tell me about yourself” o “What are your strengths?’
Ang isang magandang tip para ay palaging mag-research sa company at role. Maigi ring magpractice sumagot sa mga karaniwang tanong na tinatanong ng mga employer. Para mas masanay ka sa ganitong paraan, magsalita sa harap ng salamin o mag mock interview kasama ang kaibigan. Nakakadagdag ito ng plus points!
Isipin mo, okay na sana ang credentials mo, pero ang email mo ay “[email protected]” o ang mas malala, nakita ni recruiter ang mga offensive public Facebook posts mo. Laging tandaan na kapag mag-aapply ka ng trabaho, maging propesyonal ka dapat sa mga pinopost mo sa social media at sa iba mo pang personal accounts. Ito ang basehan nila para i-hire ka nila o hindi.
Mas mabuti ring gumamit ng email address na pangalan mo ang nakalagay (e.g., [email protected]). Huwag mong kalimutan na i-check ang iyong social media profiles, linisin ang iyong mga public posts at i-update ang iyong personal account.
Marami sa mga bagohang jobseekers ang nagsa-submit ng late o kulang na job requirements. Dahil dito, delayed ang kanilang start sa trabaho o hindi na sila hinahire. Kadalasan sa mga missed documents ay NBI clearance, medical exam, at mga SSS/PhilHealth/Pag-IBIG numbers.
Para maiwasan ang ganitong sitwasyon, gumawa ng checklist ng pre-employment documents bago ka pa makakuha ng offer. Mas mabuti ring mag-apply ka na ng government IDs habang naghahanap ka pa lang ng trabaho.
Normal lang na gusto natin ‘yung best para sa atin. Pero madalas, ang mindset ng iba ay:
“Ayoko ng entry-level, dapat mataas agad ang sweldo.”
“Ayoko ng on-site, dapat WFH.”
“Gusto ko managerial role kahit kakagraduate lang.”
Wala namang masamang magset ng goals sa sarili pero dapat mong tandaan na bilang isang first time job seeker, open ka dapat sa mga opportunities. Kadalasan kasi, ang pagiging masyadong mapili sa trabaho ang isa sa mga rason kung bakit wala kang feedback na natatanggap sa iyong job applications. Kaya, focus muna sa pagkuha ng experience at skills. Tandaan na ang mga magagandang promotions at job offers ay makukuha mo sa tamang oras.
Kadalasan sa mga first timers ay nawawala na lang bigla pagkatapos ng application. Tandaan, ikaw ang nag-aapply ng trabaho kaya magfollow up ka kung kinakailangan. Para maiwasan ang ganitong pagkakamali, mas maiging magpadala ka ng thank-you email sa loob ng 24 oras.
Ang laman ng iyong mensahe ay ang pasasalamat mo sa oras ng interviewer, pagrereaffirm sa iyong interest sa inaapplayang role, at pagpapakita mo ng professionalism. Sa ganitong paraan, makikita nila kung gano mo ka gusto ang magtrabaho sa kanila.
Bilang isang first timer, dapat mong lawigan ang iyong pag-iisip para maging successful ang iyong first job application. Kung nagseset ka na agad ng imposibleng goal sa simula ng iyong career, siguradong mahihirapan kang abutin ang uri ng mga trabaho na gusto mong makamit.
Para gabayan ka sa tamang pag-aapply, sundin ang mga tips sa baba!
Hanggang maaga pa, i-lista mo na lahat ng kaya mong gawin, technical man o soft skills. Kahit experience mo pa ‘yan sa school orgs o sa thesis group, malaki ang ambag niyan sa iyong resume. Tandaan, lubos kang makikilala ng mga employer base sa iyong resume.
Sa panahon ngayon, marami ng mga events para sa mga fresh grads na pwedeng salihan online o in person man. Sa ganitong mga paraan, dito ka makakahanap ng mga legit na opportunities at makakakilala ng potential employers.
Habang naghahanap ka ng trabaho, huwag kang tumigil na matuto ng ibang bagay na related sa iyong inaapplayang trabaho. May mga free courses sa Google, Coursera, at TESDA. Pwede mo itong idagdag sa iyong resume para mas magstandout ka sa iba.
Dahil bagohan ka palang at walang experience, mas maiging magsimula ka sa online job platform gaya ng Jobstreet Job Portal. Ayusin ang iyong account at lagyan ng iyong professional photo, educational background, at technical/soft skills. Mag set din ng job alerts at i-customize ang resume ayon sa trabahong ina-applyan mo.
Kung may access ka sa career center ng school niyo, gamitin mo ito. Magtanong sa mga alumni, profs, o kakilala sa industry. Tandaan na hindi ka nag-iisa at marami ang willing na tumulong sayo. Kailangan mo lang maging open.
Lahat tayo dumaan sa pagiging first time job seeker. Pero hindi ibig sabihin nito na dapat kang dumaan sa lahat ng pagkakamali. Ang job application ay hindi lang basta-bastang process, ito ay unang hakbang sa career mo. At sa dami ng kompetisyon ngayon, ang maayos na resume, propesyonal na approach, at tamang mindset ang magiging advantage mo.
Sa totoo lang, hindi ito tungkol sa pagkuha agad ng dream job. Ito ay ang pagbuo ng foundation para sa iyong long-term career success. Hangga’t maari, take your time, pag-isipan ang iyong bawat hakbang, at huwag matakot magtanong. Dahil sa tamang diskarte at mindset, makakapasok ka rin sa trabahong gusto mo.
At kung hindi ka pa sigurado sa mga susunod mong gagawin bilang bago ka palang sa larangan ng trabaho, bisitahin ang Jobstreet Career Advice. Nagbibigay kami ng expert tips at payo para lubos mong maintindihan ang takbo ng professional world. Para sa dagdag impormasyon, i-contact kami ngayon!
Alamin ang ilan sa mga karaniwang tanong tungkol sa mga first timers sa baba!
Oo naman! Lahat tayo nagsisimula sa wala. Sa halip na work experience, i-highlight mo ang iyong school projects, internships, org involvement, o volunteer work na related sa iyong inaapplyang trabaho. Importante rin na confident ka sa transferable skills mo tulad ng communication, teamwork, o leadership.
Normal yan sa simula. Pero baka kailangan mo nang i-review ang resume mo o i-improve ang iyong profile online. Pwede ka rin humingi ng feedback kung meron kang nakausap na recruiter dati. I-check din kung swak ba talaga ang ina-applyan mong uri ng mga trabaho.
Depende. Kung wala ka pang experience, ang internship ay makakatulong sa iyong portfolio o skill-building. Dapat mo lang sundin ang mga mahahalagang tips para magtagumpay sa internship. Kung kaya, maghanap ka ng kompanyang nagbibigay ng magandang internship program, trainings at workshops.