Alamin ang mga karapatan mo bilang isang contractual employee ayon sa Labor Code

Alamin ang mga karapatan mo bilang isang contractual employee ayon sa Labor Code
Jobstreet content teamupdated on 29 May, 2024
Share

Bilang empleyado, pinuprotektahan ka ng batas—na nangangalaga rin sa mga karapatan ng manggagawa ayon sa Labor Code of the Philippines. Sakop ng Labor Code ang mga sumusunod na aspeto:

  • Pre-Employment na nagsasaad ng mga dapat sundin o gawin bago magtrabaho o tumanggap ng aplikante
  • Human Resources Development Program para malinang ang kakayahan ng mga empleyado
  • Conditions of Employment para masigurong makatarungan ang mga alituntunin ng mga employer
  • Health, Safety and Social Welfare upang masiguro ang pangkalahatang kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa
  • Labor Relations na tumatalakay sa karapatan ng mga empleyado na ipahayag ang mga hinaing at mungkahi
  • Post Employment na saklaw ang mga alituntunin sa pagpapaalis ng empleyado, pagtatapos ng kontrata, at pagreretiro
  • Transitory and Final Provisions na tungkol sa mga posibleng parusa kung lumabag sa batas ang empleyado o employer

Ano ang kontraktwalisasyon?

Sa kontraktwalisasyon, pumipirma ka ng kontratang nagsasaad ng simula at katapusan ng iyong pagtatrabaho para isang kumpanya o employer. Ayon sa Labor Code, dapat nakalagay sa kontrata ang mga sumusunod na impormasyon:

  • Ang malinaw na paglalarawan ng iyong trabaho o serbisyo bilang empleyado
  • Ang lugar na iyong pagtatrabahuhan, ang mga alituntunin at kondisyon tulad ng halaga ng iyong sahod, at mga benepisyong matatanggap
  • Tagal ng iyong pagtatrabaho na umaayon saService Agreemento sa panahon ng trabaho o proyekto na iyong hahawakan.

Ayon sa Labor Code, dapat ding may pirmahan kang Service Agreement kung magtatrabaho ka sa ilalim ng isang contractor—mga organisasyon na nagsusuplay ng serbisyo o manggagawa para sa isang proyekto o kumpanya. Nilalaman ng Service Agreement ang mga sumusunod:

  • Ang pangakong igagalang ang mga karapatan ng mga manggagawa na tinatalakay sa Labor Code
  • Net Financial Contracting Capacity o ang kakayahang pampinansyal ng contractor upang maisagawa ang proyekto
  • Kasiguraduhan ng pagsahod ng empleyado
  • Pagbabayad ng contractor sa mga benepisyo ng manggagawa gaya ng SSS, Philippine health Insurance Corporation (PhilHealth) at iba pa.

Dapat mo bang tanggapin ang kontraktwal na trabaho?

Kadalasan, negatibo ang konotasyon ng kontraktwalisasyon dahil akala ng karamihan, wala itong seguridad at mga benepisyo. Pero nakasaad sa batas na may mga karapatan ka bilang contractual employee. Kung ang trabaho ay kaya mong gampanan nang maayos at ikaw naman ay mamamasukan sa isang magandang kumpanya, walang masama kung ito ay tatanggapin mo. Ang mahalaga ay alam mo ang mga panuntunan na magsisilbing proteksyon mo laban sa ‘di-makatarungang pagtrato.

Sa katunayan, maaaring makatulong sa ‘yo ang kontraktwalisasyon dahil:

  • Pwede kang kumita habang naghihintay ng regular na trabaho.
  • Maaaring matanggap ka bilang regular na empleyado pagkatapos mong ipakita ang kakayahan mo bilang kontraktwal na trabahador.
  • May mga benepisyong natatanggap ang contractual workers.
  • Makakadagdag ito sa iyong kakayahan at work experience.

Mga karapatan mo bilang contractual employee

Bago pumirma ng kontrata, siguraduhin na patas at walang pang-aabuso ang mga nilalaman nito. Alamin ang iyong mga karapatan na nakasaad sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department Order 18-A Series of 2011.

1. Ligtas at maayos na kondisyon ng pagtatrabaho

Hindi dapat nakokompromiso ang iyong kalusugan o kaligtasan sa lugar na iyong pagtatrabahuhan. Responsibilidad ng kumpanya o employer ang pagsasagawa ng regular hazard inspections upang masiguro ang iyong kaligtasan sa trabaho. Kasama sa usaping kalusugan ang mental health na tungkulin din ng employer. Bilang kontraktwal na empleyado, karapatan mo ang pagkakaroon ng positibong work environment.

2. Pagtanggap ng mga incentive 

Kasama sa mga incentive mo bilang kontraktwal na manggagawa ang pagkakaroon ng araw ng pahinga, bayad na bakasyon, overtime pay, at holiday pay. Sa oras na tinapos nang maaga ang iyong kontrata, may karapatan kang magkaroon ng separation pay. At alam mo ba dapat ka ring bigyan ng 13th-month pay? Ayon sa Section 8 ng DOLE Department Order 18-A, lahat ng mga kontraktwal na empleyado ay karapat-dapat na makatanggap ng 13th-month pay. Ito ay base sa 1/12 ng iyong basic salary na matatanggap mo sa isang taon. Kung wala ka pang isang taong nagtatrabaho sa kumpanya, pwede ka pa ring makatanggap ng 13th-month pay sa mas maliit na halaga.

3. Benepisyo sa pagreretiro

Sa oras na ikaw ay magretiro, dapat makakuha ka ng retirement benefits sa ilalim ng Social Security System (SSS) o ng mismong retirement plan ng kumpanyang pinapasukan mo, kung mayroon man. Ayon sa SSS website, maaaring matanggap ang bayad sa iyong pagreretiro sa dalawang paraan: 

  • pensiyon na ibibigay sa iyo kada buwan, o 
  • lump sum amount o ang pagkuha ng cash benefit sa isang bagsakang may interes. 

4. Iba pang mga benepisyo

Bukod sa SSS, may karapatan ka rin sa mga benepisyo mula sa PhilHealth at Pag-Ibig. May mga buwanang kontribusyon din ang mga ito na dapat hinuhulugan mo at ng iyong employer. Makatutulong ang Pag-Ibig sa pagpapagawa o pagbili ng bahay, habang magagamit ang PhilHealth para sa mga medikal na gastusin.

5. Pagbuo ng sariling samahan at paglahok sa mapayapang pagtitipun-tipon

Tulad ng mga regular o permanenteng empleyado, kasama sa iyong karapatan ang pagbuo o pagsali sa mga unyon ng mga manggagawa. Maaari kang makilahok sa sama-samang negosasyon ukol sa mga isyu sa trabaho. Pwede ka ring makiisa sa mapayapang protesta at pagtitipun-tipon upang ilahad ang iyong mga hinaing. Dapat hindi manganib ang iyong trabaho dahil sa mga gawaing ito.

6. Seguridad sa trabaho

Bago magsimulang magtrabaho sa ilalim ng isang kontraktuwal na kasunduan, dapat malinaw ang hangganan ng iyong pagsisilbi sa kumpanya. Labag sa batas ang maaga o biglang pagsasawalang-bisa ng iyong kontrata kung walang katanggap-tanggap at makatwirang dahilan. Kahit ikaw ay contractual employee, dapat ay itinuturing ka nang parang regular employee habang may bisa ang ‘yong kontrata.

Kung sakaling gustong wakasan ng employer mo ang kontrata

Hindi basta-basta at agad-agad na mawawakasan ang iyong kontrata. Gaya ng nabanggit kanina, kung gagawin ito ng employer nang wala kang kasalanan, dapat kang bigyan ng separation pay. Pero may karapatan ang employer na paalisin ka sa mga sumusunod na kadahilanan:

  • Masamang pag-uugali tulad ng pambabastos sa kapwa empleyado at pagkompromiso sa kanilang kaligtasan
  • Pagsuway sa mga utos at alituntunin ng ahensya o kumpanya
  • Pagsasawalang-bahala sa mga tungkulin
  • Kapag hindi ka na napagkakatiwalaan at wala nang kumpiyansa sa iyo ang mga katrabaho mo
  • Paglabag sa batas o paggawa ng krimen

Bago ka paalisin, may prosesong dapat sundin ang employer.

  • Dapat ka padalhan ng kasulatan na nagsasaad ng dahilan kung bakit ka paalisin, ang inilabag mong alituntunin o batas, at ang pagkakataon na maipahayag ang iyong depensa.
  • Meron kang limang araw upang ipaliwanag ang iyong aksyon.
  • Padadalhan ka ng written notice of termination. Bibigyan rin ng kopya ang regional office ng DOLE.
  • Bibigyan ka ng 30 araw na palugid bago ka paaalisin.

Pag-aralan ang iyong mga karapatan sa ilalim ng contractual employment upang makaiwas sa pang-aabuso

Permanente man o kontraktwal, mahalagang isaalang-alang ang iyong mga karapatan bilang manggagawa. Malaki ang magiging epekto nito sa iyong kabuhayan at kaligayahan sa iyong karera.

Handa ka na ba maghanap ng trabaho? #LetsGetToWork at lumikha o i-updateang iyong profile. Para makakita ng mas maraming trabaho, bumisita sa JobStreet o i-download ang JobStreet app sa Google PlayApp Store.

Bisitahin din ang aming Career Tools at Career Resources Hub para malaman kung paano linangin ang iyong kakayahan at magkaroon ng trabahong makapagpapasaya sa iyo.

FAQ

  1. Ano ang mga karapatan ng isang contractual employee?
    Bilang contractual employee, karapatan mo ang mga sumusunod:
    ⁠- Ligtas at maayos na kondisyon ng pagtatrabaho
    ⁠- Holiday pay at separation pay
    ⁠- SSS, PhilHealth, at Pag-Ibig
    ⁠_ Pag-sali sa mga unyon
    ⁠- Job security
  2. Paano kung gustong tapusin ng employer ang kontrata?
    Dapat sundin ng employer ang tamang proseso kung wala kang kasalanan sa pagtapos ng iyong kontrata.
  3. Ano ang dapat gawin kung may pang-aabuso sa contractual employment?
    Maaari kang humingi ng tulong sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa agarang aksyon.

More from this category: Your employment rights

Subscribe to Career Advice

Get expert career advice delivered to your inbox.
You can cancel emails at any time. By clicking ‘subscribe’ you agree to Jobstreet’s Privacy Statement.